Tuesday, January 2, 2007

Talaarawan ng Sanggol sa Sinapupunan (Diary of A Preborn Baby)

TRANSLATED WITH PERMISSION FROM SILENTSCREAM.ORG

Talaarawan ng Sanggol sa Sinapupunan

Ika-5 ng Oktubre

Sa araw na ito

nagsimula ang aking buhay.

Hindi pa ito batid ng aking mga magulang.

Singliit lamang ako ng buto ng mansanas,

Ngunit ako na ito.

Nakatakda akong maging isang babae.

Ang aking mga mata at ang aking buhok ay magiging kulay itim.

Sadyang ang lahat ay nakaayos na, maging ang aking pagkahilig sa mga bulaklak.

Ika-19 ng Oktubre

Ang sabi ng iba, ako’y hindi pa ganap na tao,

na ang tanging nabubuhay lamang ay ang aking ina.

Ngunit ako’y isang tunay na tao,

kung paanong ang isang pirasong tinapay, ay tinapay pa rin.

May buhay ang aking ina

at

ako rin.

Ika-23 ng Oktubre

Nagsisimula nang bumukas ang aking bibig.

Sa loob ng isang taon,

ako’y makatatawa na

at kaunting panahon pa’y

makapagsasalita na.

Ang unang salitang bibigkasin ko ay:

Nanay

Ika-2 ng Nobyembre

Ako’y unti-unting lumalaki sa bawat araw.

Nagkakahugis na ang aking mga kamay at paa.

Ngunit kailangan ko pang maghintay

Bago ko maabot ang mga bisig ni Nanay

Bago ako makapitas

ng bulaklak

at mayakap ang aking Tatay.

Ika-12 ng Nobyembre

Nagsisimula nang mabuo ang mga daliri sa aking kamay.

Kayliliit ng mga ito!

Siyang ipanghahaplos ko ito sa buhok ni Nanay.

Ika-20 ng Nobyembre

Ngayon pa lamang

nabatid ni Nanay mula sa doktor

na ako’y nabubuhay sa kanyang sinapupunan.

Tuwang-tuwa siguro siya!

Masaya ka ba Nanay ?

Ika-25 ng Nobyembre

Marahil, pinag-iisipan na nina Tatay at Nanay ang ipapangalan sa akin.

Pero hindi pa nila alam na ako’y isang babae.

Nais kong ako’y tawaging Maria.

Talagang lumalaki na ako.

Ika-10 ng Disyembre

Lumalago na ang aking buhok.

Ito’y madulas, maitim at makintab.

Gayon din kaya ang buhok ni Nanay ?

Ika-13 ng Disyembre

Malapit na akong makakita.

Sa ngayon ay madilim pa ang aking paligid.

Kapag iniluwal na ko ni Nanay sa daigdig,

tiyak na maganda ang sikat ng araw at ang mga bulaklak.

Pero ang higit kong pinananabikan ay ang makita ko ang aking nanay.

Nanay, ano ba ang iyong anyo?

Ika-24 ng Disyembre

Naririnig kaya ni Nanay ang tibok ng aking puso ?

May ilang batang isinisilang na mahina

Ngunit ang aking puso ay malakas

at malusog.

Maayos itong tumitibok ;

dub-dub

dub-dub

Malusog ang iyong dalagita, Nanay!

Ika-28 ng Disyembre

Sa araw na ito’y

si Nanay

pinalaglag

Ako.